November 16, 2024

Home BALITA Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!
photo courtesy: Marikina PIO/Facebook

Mariing pinabulaanan ng Marikina City Government ang ulat na naglabasan sa social media na apat na menor de edad ang umano'y dinukot sa lungsod kamakailan.

"Walang katotohanan ang mga lumabas na ulat sa social media sa umano’y sapilitang pagtangay sa apat na menor de edad sa Marikina," pahayag pa ng Marikina LGU sa kanilang social media account nitong Biyernes.

Anito, batay mismo sa imbestigasyon ng Philippine National Police-Marikina (PNP-Marikina), ang mga bata na umano’y dinukot sa Barangay Malanday ay inanyayahan lamang na dumalo sa isang Bible study nang hindi nagpapaalam sa kanilang mga magulang.

Samantala, ang mga napaulat naman na nawawala sa Parang at Marikina Heights ay umalis sa kanilang mga tahanan.

Metro

Para may ipagyabang: Lalaki, nagnakaw umano ng motor

"Lahat ng mga batang naiulat na umano’y nawawala ay LIGTAS at NAKAUWI na sa kani-kanilang mga tahanan," dagdag pa ng lokal na pamahalaan. "Ang fake news na ito na ikinalat sa social media na ni-repost din ng isang BARANGAY KAPITAN ay mariin naming pinapabulaanan."

Nabatid na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng PNP-Marikina ang mga nagpakalat ng fake news at upang panagutin sa batas.

Anito, sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code at alinsunod din sa Section 6 ng Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), ang sinumang nag-publish o nagpakalat ng maling balita sa social media platforms na magdudulot ng kaguluhan sa publiko ay may pananagutan sa batas. 

Ang sinuman umanong lumalabag dito ay maaaring maparusahan ng pagkakulong at multa. Hinikayat din naman ng pamahalaang lungsod ang lahat na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon sa social media, at mangyaring kilatisin at suriin ang mga impormasyon na nababasa, naririnig, at napapanood bago ito i-share.

Panawagan pa nito, "Tayo po ay magtulungan upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa ating komunidad. Mag-ingat at manatiling alerto."