Binasag na ni De La Salle University Green Archers Head Coach Topex Robinson ang umano’y katahimikan niya hinggil sa isyung kinasangkutan niya sa isang manlalaro ng University of the Philippines Fighting Maroons at coaching staff nito.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Hindi na raw tungkol sa basketball;’ Coaching staff ng La Salle, UP, nagkaduruan!
Matatandaang nagkaroon ng komosyon ang coaching staff ng UP at La Salle sa kasagsagan ng third quarter noong first round meeting nila sa University of Athletic Association of the Philippines (UAAP) season 87 noong Oktubre 6, 2024.
Ilang mga alegasyon din ang lumutang matapos umanong duruan ni Topex si UP guard Reyland Torres, kung saan umabot pa raw ang nasabing isyu na ipetisyong ipasuspinde si Topex ng ilang laro sa liga.
KAUGNAY NA BALITA: May nandura? Komosyon sa pagitan ng UP, La Salle coaches, lumala!
Samantala, sa kasagsagan ng kanilang post-game interview matapos nilang bawian ang koponan ng University of the East Red Warriors noong Sabado, Oktubre 12, 2024, opisyal nang nagsalita si Topex hinggil sa umano’y mga paratang sa kaniya.
“At ‘yung tumawag sa akin ng squatter, maraming salamat po dahil talaga namang naghirap ako, at kung anuman ‘yung narating ko, ‘yung na-achieve ko, dahil po pinagsikapan ko,” saad ni Robinson.
Hindi naman niya tinukoy kung sino umano ang tumawag sa kaniya ng “squatter.”
“Ang tanong ko lang po, kapag po ba squatter, masamang tao? Kasi po tinawag po akong squatter eh, hindi ko alam kung saan nanggaling ‘yun, pero ang squatter po ba ay masamang tao,” dagdag pa ni Topex.
Ipinanawagan din ni Topex na itigil na rin umano na akusahan si Torres, aniya, baka raw hindi kayanin ni Torres ang hirap na pinagdaanan na rin niya nang saluhin daw niya ang mga maling paratang sa kaniya.
“Sana po ‘wag din po natin akusahan ‘yung bata, dahil hindi niya po kakayanin ‘yung pinagdaanan ko. Sana po bigyan din po natin siya ng pang-unawa sa mga nagawa niya, dahil alam ko po kung gaano kahirap ‘yon.”
Matapos humingi ng public apology, hiniling din ni Topex na kalimutan na umano ang nangyari sa pagitan ng rival team.
“Muli po humihingi po ako ng paumanhin sa bata dahil po sa nagawa kong pagsigaw sa kaniya. Sana po magkaroon na rin ng chance na makalimutan natin ito. Sawa na po tayo sa kakabato ng bintang sa maling tao…” ani Topex.
Kate Garcia