Ngayon pa lamang ay inihahanda na ng Manila City Government ang proseso sa distribusyon ng cash allowances para sa senior citizens, para sa buwan ng Setyembre hanggang Disyembre o huling quarter ng taong 2024.
Nabatid na inatasan na ni Manila Mayor Honey Lacuna ang Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) na pinamumunuan ni Elinor Jacinto at ng Public Employment Service Office (PESO) sa ilalim ng pamumuno ni Fernan Bermejo upang magsagawa ng consultative meetings hinggil sa naturang distribusyon.
Kabilang sa mga pinadalo sa naturang pulong ay ang mga opisyal ng 896 barangays sa anim na distrito ng lungsod.
Ayon kay Lacuna, layunin ng naturang pulong na matiyak ang maayos at mabilis sa distribusyon ng payrolls na iginagayak ng city government para sa allowance ng mga senior citizens.
Sasakupin ng payrolls ang mga buwan ng Setyembre, Oktubre, Nobyembre at Disyembre 2024.
Hinikayat naman ng lady mayor ang suporta ng lahat ng barangay officials sa pamamagitan nang pagdalos sa naturang consultative meetings.
Kabilang sa mga inaasahang dumalo ay ang barangay chairpersons, barangay secretaries o sinumang mga kinatawan na awtorisadong mag-organisa o gumawa ng updated senior masterlists sa kani-kanilang hurisdiksyon.
Sa ilalim ng social amelioration program ng lokal na pamahalaan, aabot sa 203,000 senior citizens ang tatanggap ng tig- P2,000 cash assistance na kumakatawan sa kanilang P500 monthly allowance sa loob ng apat na buwan.
Ang ikatlong payout para sa kanila ngayong taon, para sa mga buwan ng Mayo hanggang Agosto, 2024 ay magtatapos na ngayong Biyernes, Setyembre 27, 2024.