Bilang pagsuporta sa nakatakdang 2025 FIVB Men’s Volleyball World Championship na idadaos sa bansa mula Setyembre 12-18, 2025, nag-organisa ng konsyerto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos kasama ang ilang mga opisyal nitong Linggo ng gabi, Setyembre 15, 2024 sa Kalayaan Grounds sa Malacañang Palace.
Tinawag na “PH to serve: A concert for the One-Year countdown,” ang nasabing concert na dinaluhan ng Alas Pilipinas Men’s at Women’s team kasama ang ilang opisyales ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) gayundin ang ilang senador at miyembro ng gabinete.
Kabilang din sa mga dumalo sa nasabing concert ay sina PNVF Chairman Emeritus at senador Alan Peter Cayetano, Sen. Juan Miguel Zubiri, Sen. Sherwin Gatchalian, ilang miyembro ng gabinete na sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Bienvenido Laguesma ng Department of Labor and Employment (DOLE), Maria Esperanza Christina Frasco ng Department of Tourism (DOT) at Amenah Pangandaman ng Department of Budget and Management (DBM).
“It is really unbelievable, and I did not expect this concert for the World Championship. We never expect this. The commitment and the effort of the government are extraordinary. We would like to thank the First Lady, Vinnie, and the President for this,” ani Tats Suzara, Presidente ng PNVF.
Binigyan ni International Volleyball Federation (FIVB) general director Fabio Azevedo si PBBM ng isang volleyball upang opisyal na i-turnover ang ‘hosting duty’ sa bansa. Kasabay din nito ang pagtanggap ng Pangulo ng regalo na isang painting na obra ng isang Olympian decathlete mula sa Slovakia.
Samantala, matatandaang noong Sabado, Setyembre 14, 2024 nang mag-drawlots ang FIVB para sa pooling ng bawat koponan kung saan kabilang sa POOL A ang Alas Pilipinas at nakatakdang makipagsabayan sa mga bansa mula sa Iran, Egypt at Tunisia.
KAUGNAY NA BALITA: Alas Pilipinas Men’s team raratsada sa 2025 FIVB world championship
Kate Garcia