Inaasahang magdudulot ng mga pag-ulan ang southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng bansa ngayong Linggo, Agosto 11, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Ilocos Region, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, at Palawan bunsod ng habagat.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Bukod dito, inaasahan ding magdudulot ang habagat ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila, mga natitirang bahagi ng Luzon, Western Visayas, at Negros Island Region.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din naman ang posibleng mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.
Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala na raw binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob at labas ng Philippine area of responsibility (PAR).