Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Martes, Hulyo 30, dahil sa southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang habagat ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Ilocos Region at Zambales.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms ang Metro Manila, mga natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, Tarlac, Bataan, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro dahil din sa habagat.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din ang posibleng maranasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.
Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay patuloy namang binabantayan ng PAGASA ang isang low pressure area (LPA) na huling namataan 480 kilometro ang layo sa northeast ng Itbayat, Batanes sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR).
Maliit daw ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA at wala ring direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.
Inaasahang lalabas na ng PAR ang LPA pagkatapos ng ilang oras, ayon sa weather bureau.