November 24, 2024

Home BALITA National

Klase sa 979 paaralan, ipinagpaliban sa Hulyo 29 -- DepEd

Klase sa 979 paaralan, ipinagpaliban sa Hulyo 29 -- DepEd
Photo courtesy: DepEd; DepEd chief Sonny Angara/FB

Hindi pa magsisimula sa Lunes, Hulyo 29, ang klase sa 979 eskuwelahan sa bansa dahil sa patuloy na paglilinis at rehabilitasyong kailangan daw gawin dulot ng hagupit ng bagyong Carina.

Base sa tala ng DepEd nitong Linggo, Hulyo 28, dakong 2:30 ng hapon, sa naturang bilang ng mga paaralan na nagpaliban muna ng klase sa Lunes dahil sa epekto ng bagyo, 225 paaralan ang mula sa National Capital Region (NCR), 231 mula sa Ilocos Region, 452 mula sa Central Luzon, 67 mula sa Calabarzon, at apat ang mula sa SOCCSKSARGEN.

Ayon sa DepEd, naabisuhan na ng Central Office nito ang mga regional director at paaralan sa pamamagitan ng kani-kanilang school division superintendents.

Patuloy naman daw na iva-validate ng Regional Office ang bilang ng mga paaralang hindi magbubukas sa Hulyo 29.

National

Anumang banta sa buhay ng pangulo, isang usapin ng ‘national security’ – Año

Matatandaang nitong Miyerkules, Hulyo 24, nang maranasan ng malaking bahagi ng bansa ang epekto ng bagyong Carina na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagkasira ng mga imprastraktura.

Bukod dito, inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo, na umabot umano sa 28 katao ang nasawi dahil sa naturang bagyo, sa southwest monsoon o habagat, at bagyong Butchoy.