Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Sabado, Hulyo 27, dahil sa trough ng low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsbility (PAR) at southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes, Babuyan Islands, Zambales, at Bataan dahil sa habagat.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm din ang posibleng maranasan sa Davao Oriental, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Dinagat Islands, Leyte, Southern Leyte, at Eastern Samar dulot naman ng trough ng LPA na huling namataan 1,035 kilometro ang layo sa Southeastern Mindanao.
Nananatili naman daw na maliit ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA sa loob ng 24 oras hanggang 48 oras.
Samantala, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila, mga natitirang bahagi ng Visayas, at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil din sa habagat.
Bukod dito, medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din ang posibleng maranasan sa mga natitirang bahagi ng Mindanao dahil naman sa localized thunderstorms.