November 24, 2024

Home BALITA National

Guo, nag-sorry kay SP Chiz: 'Wala po akong intensyong diktahan ang Senado'

Guo, nag-sorry kay SP Chiz: 'Wala po akong intensyong diktahan ang Senado'
Mayor Alice Guo at SP Chiz Escudero (MB file photo; Facebook)

Humingi ng paumanhin si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kay Senate President Chiz Escudero dahil sa kaniyang naging pahayag kamakailan kaugnay ng naging “pagtutok” sa kaniya nina Senador Risa Hontiveros at Senador Win Gatchalian.

Matatandaang sa isang pahayag noong Hulyo 18, naglabas ng saloobin si Guo tungkol sa pagtutok sa kaniya nina Hontiveros at Gatchalian, kung saan inapela niyang mas marami pa umanong mga problema ang Pilipinas na dapat bigyan ng pansin.

MAKI-BALITA: Alice Guo kina Hontiveros at Gatchalian: 'Am I really the country's biggest problem?'

Kinabukasan, noong Hulyo 19 ay sinabi naman ni Escudero na walang karapatan ang alkalde na sabihan ang mga senador kung anong isyu ang dapat nilang iprayoridad. 

National

OFW sa Middle East, panalo ng ₱37M sa Super Lotto

MAKI-BALITA: SP Chiz, pinatutsadahan si Guo: 'Wala siya sa lugar...'

Kaugnay nito, nagpadala si Guo ng sulat kay Escudero na may petsang Hulyo 20, 2024 at isinapubliko nitong Martes, Hulyo 23. 

Sinabi ni Guo sa sulat na wala umano siyang intensyong pagsabihan o diktahan ang Senado.

“Nais ko pong humingi ng paumanhin kung nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan kaugnay ng aking mga naging pahayag. Wala po akong intensyon na pagsabihan o diktahan ang Senado kung ano ang mga dapat bigyang prayoridad,” ani Guo.

“Nauunawaan ko po na ang bawat mambabatas ay may sariling tungkulin at responsibilidad sa bayan. Ang aking layunin lamang po ay magbigay ng suhestiyon base sa mga problemang nararanasan ng aking mga kababayan sa Bamban,” saad pa niya.

Matatandaang noong Hulyo 13 nang maglabas ang Senado ng arrest order laban kay Guo dahil sa hindi nito pagdalo sa mga pagdinig ng Senate committee noong Hunyo 26, 2024 at Hulyo 10, 2024, kaugnay ng na-raid na POGO hub sa Bamban.

Bukod sa suspendidong alkalde ay inihain din ang arrest order laban kina Dennis Cunanan, Nancy Gamo, Sheila Guo, Wesley Gui, Jian Zhong Go, Seimen Guo, at Wenyi Lin.

MAKI-BALITA: Senado, naglabas na ng arrest order vs Alice Guo