Nakataas na sa Signal No. 2 ang buong lalawigan ng Batanes dahil sa Typhoon Carina na mas lumakas pa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes ng hapon, Hulyo 23.
Base sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng hapon, huling namataan ang bagyong Carina sa layong 325 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 150 kilometers per hour malapit sa sentro, at pagbugsong aabot sa 185 kilometers per hour.
Kasalukuyan itong kumikilos pahilaga sa bilis na 20 kilometers per hour.
Bukod sa Batanes na nakataas sa Signal No. 2, nakataas ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:
Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands
Eastern portion ng Isabela (Divilacan, Palanan, Maconacon, Dinapigue, Tumauini, Ilagan City, San Mariano, Cabagan, San Pablo, Santa Maria)
Northern portion ng Apayao (Calanasan, Luna, Pudtol, Flora, Santa Marcela, Kabugao)
Northern portion ng Ilocos Norte (Pagudpud, Bangui, Adams, Dumalneg, Burgos, Vintar, Pasuquin, Bacarra, Carasi)
Ayon sa PAGASA, nananatiling malayo ang sentro ng bagyo sa kalupaan ng bansa.
Inaasahan naman daw itong magla-landfall sa hilagang bahagi ng Taiwan sa pagitan ng Miyerkules ng gabi, Hulyo 24, at Huwebes ng umaga, Hulyo 25, saka lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) pagkalipas ng ilang oras.
Sa labas ng PAR ay inaasahang tatawid ang bagyo sa Taiwan Strait at magla-landfall sa southeastern China sa Huwebes ng tanghali o gabi.