Dalawang lugar sa Luzon ang itinaas na sa Signal No. 1 dahil sa Severe Tropical Storm Carina, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes ng umaga, Hulyo 22.
Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, huling namataan ang Severe Tropical Storm Carina sa layong 420 kilometro sa silangang bahagi ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 100 kilometers per hour malapit sa sentro, at pagbugsong aabot sa 125 kilometers per hour.
Kasalukuyan itong mabagal na kumikilos pahilaga hilagang-kanluran.
Dahil dito, itinaas na sa Signal No. 1 ang mga sumusunod:
Eastern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gattaran, Baggao, Peñablanca, Lal-Lo, Gonzaga)
Northeastern portion ng Isabela (Divilacan, Palanan, Maconacon)
“Minimal to minor impacts due to strong winds may be experienced within any of the localities where Wind Signal No. 1 is hoisted,” anang PAGASA.
Ayon pa sa weather bureau, posibleng mas lumakas pa ang bagyong Carina at itaas sa “typhoon” category sa loob ng 24 oras.
Inaasahan naman itong lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) sa Miyerkules ng gabi, Hulyo 24, o Huwebes ng madaling araw, Hulyo 25.