“Hindi na hati ‘yung oras ko sa dalawang opisina…”
Ipinahayag ni Vice President Sara Duterte na mas marami na siyang oras para sa mga programa ng Office of the Vice President (OVP) matapos niyang magbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Noong Huwebes, Hulyo 18, nang opisyal nang ipasa ni Duterte kay dating Senador Sonny Angara ang pamunuan ng DepEd sa ginanap na turnover ceremony sa Bulwagan ng Karunungan sa Pasay City.
MAKI-BALITA: VP Sara, ipinagkatiwala na ang DepEd kay Sen. Angara
Matapos ang seremonya, sa isang media interview na inulat ng Manila Bulletin ay sinabi ni Duterte na pinaplano pa rin nila sa OVP na magsawa ng mga programa para sa mga guro.
“Ngayon, hindi na hati ‘yung oras ko sa dalawang opisina. Iniisip namin na ‘yung hindi ko nagawa sa Department of Education, ‘yung legal assistance for teachers, gusto namin kunin sa Office of the Vice President,” ani Duterte.
Bukod dito, binanggit din ng bise president na pagtutunan nila ng pansin ang pagpapatupad ng mga programa para sa “underserved areas” ng kanilang mga satellite office.
“Hinahanapan natin ‘yung mga underserved na mga areas dun sa iba’t ibang satellite offices natin. Syempre nandiyan pa rin ‘yung para sa kababaihan, kabataan, para sa LGBT and senior citizens,” aniya.
Kasama rin daw sa mga proyektong gagawing prayoridad ng OVP ang medical at burial assistance, ang “Mag Negosyo Ta Day (MTD),” at ang libreng shuttle services sa ilang mga siyudad ng bansa.
Matatandaang noong Hunyo 19 nang ianunsyo ni Duterte ang kaniyang pagbibitiw bilang kalihim ng DepEd at miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
MAKI-BALITA: VP Sara sa pagbibitiw bilang DepEd Secretary: ‘Hindi lulan ng kahinaan’
Pagkatapos nito, noong Hulyo 2 nang ihayag ng Palasyo na si Angara na nga ang napiling bagong hepe ng ahensya.
MAKI-BALITA: Sen. Sonny Angara, itinalaga bilang bagong DepEd secretary