Dalawang bagyo sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) ang patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Sabado, Hulyo 20.
Sa Public Forecast ng PAGASA kaninang 5:00 ng madaling araw, iniulat ni Weather Specialist Daniel James Villamil na parehong Tropical Depression ang dalawang bagyong may pangalang bagyong Butchoy at bagyong Carina.
Huling namataan ang bagyong Butchoy 545 kilometro ang layo sa kanluran ng Subic Bay, at kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour at pagbugsong 70 kilometers per hour.
Samantala, huling namataan ang bagyong Carina 625 kilometro ang layo sa silangan hilagang-silangan ng Virac, Catanduanes at kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometers per hour. Taglay din nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour at pagbugsong 70 kilometers per hour.
“Itong mga kaulapan na associated sa dalawang bagyo na ito ay hindi umaabot sa anumang bahagi ng ating bansa,” ani Villamil.
Gayunpaman, ani Villamil, patuloy na pinapairal ng bagyong Butchoy ang southwest monsoon o habagat na magdudulot naman ng maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Antique, Palawan, Occidental Mindoro, Zambales, at Bataan.
Bukod dito, inaasahan ding magdudulot ang habagat ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Mindanao, mga natitirang bahagi ng Visayas, at mga natitirang bahagi ng MIMAROPA.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din ang posibleng maranasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman ng localized thunderstorms.