Nakalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Butchoy, habang napanatili naman ng bagyong Carina ang lakas nito habang kumikilos sa Philippine Sea, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado ng umaga, Hulyo 20.
Sa public forecast kaninang 11:00 ng umaga, inihayag ng PAGASA na nakalabas ng PAR ang Tropical Depression Butchoy dakong 9:00 ng umaga.
Huli itong namataan 545 kilometro ang layo sa kanluran ng Iba, Zambales sa labas ng PAR, at kumikilos pa-west northwest sa bilis na 10 kilometers per hour. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour at pagbugsong 70 kilometers per hour.
Samantala, huling namataan ang Tropical Depression Carina 510 kilometro ang layo sa east northeast ng Virac, Catanduanes at kumikilos pa-north northwest sa bilis na 30 kilometers per hour. Taglay din nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour at pagbugsong 70 kilometers per hour.
Posible raw na lumakas pa ang bagyong Carina at itaas bilang tropical storm sa loob ng 12 hanggang 24 oras.
Inaasahang lalabas ang nasabing bagyo pagsapit ng Miyerkules ng umaga, Hulyo 24.
Ayon din sa PAGASA, parehong walang direktang epekto sa bansa ang bagyong Butchoy at Carina sa kasalukuyan, ngunit napalalakas daw ng mga ito ang epekto ng southwest monsoon o habagat.