Iginiit ni Senate President Francis "Chiz" Escudero na walang karapatan si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na sabihan ang mga senador, partikular na sina Senador Risa Hontiveros at Senador Win Gatchalian, kung anong isyu ang dapat nilang iprayoridad.
Sinabi ito ni Escudero matapos ipahayag ni Guo nitong Huwebes, Hulyo 18, na dapat daw pagtuunan nina Hontiveros at Gatchalian ang mga problema ng bansa sa halip na patuloy umano siyang bantaan na aarestuhin.
MAKI-BALITA: Apela ni Guo: Magpokus sa problema ng bansa kaysa bantaan, tutukan siya
Sa isang press conference nitong Biyernes, Hulyo 19, sinabi ni Escudero na naiintindihan niya ang pagtatanggol ni Guo sa kaniyang sarili, ngunit wala raw itong karapatang sabihan ang mga senador kung ano ang dapat nilang gawin.
"Karapatan niyang sabihin ‘yun. Pero para sakin, wala siya sa lugar na pagsabihan ang sinumang miyembro ng Senado kung ano ang prayoridad sa isip nila at kung ano ang dapat nilang hindi maging prayoridad," ani Escudero.
"Syempre siya ‘yung tinatamaan, siya ‘yung naatake dito sa isyung ito, syempre unawain natin, pagtatanggol niya ‘yung sarili niya.”
"Pero hindi niya rin pwede ipwersa ‘yung kaniyang personal na interes at kaisipan, sa interes at kaisipan at pananaw ninuman, higit pa sa sinumang miyembro ng Senado," saad pa niya.
Matatandaang noon lamang Sabado, Hulyo 13, nang maglabas ang Senado ng arrest order laban kay Guo dahil sa hindi nito pagdalo sa mga pagdinig ng Senate committee noong Hunyo 26, 2024 at Hulyo 10, 2024, kaugnay ng na-raid na POGO hub sa Bamban.
Bukod sa suspendidong alkalde ay inihain din ang arrest order laban kina Dennis Cunanan, Nancy Gamo, Sheila Guo, Wesley Gui, Jian Zhong Go, Seimen Guo, at Wenyi Lin.
MAKI-BALITA: Senado, naglabas na ng arrest order vs Alice Guo