November 23, 2024

Home BALITA National

'Tindig Pilipinas', ipinanawagan kay PBBM mga isyung dapat lamanin ng SONA

'Tindig Pilipinas', ipinanawagan kay PBBM mga isyung dapat lamanin ng SONA
Photo: Mary Joy Salcedo/Balita

Ipinanawagan ng koalisyong “Tindig Pilipinas” ang mga isyu sa bansa na dapat umanong bigyang-pansin at talakayin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA). 

Nitong Huwebes, Hulyo 18, nang magtipon-tipon ang mga progresibong grupo sa ilalim ng “Tindig Pilipinas” sa Quezon City para sa kanilang panawagan kaugnay ng nalalapit na SONA ni Marcos sa darating na Lunes, Hulyo 22.

Sinimulan ang programa ng one-act play na "Tango Inferno: Sayaw ng Dalawang Uhaw" kung saan ipinakita rito ang tinawag nilang “what-if scenario” na posible raw mangyari bago ang SONA ng pangulo at kung bakit sinabi kamakailan ni Vice President Sara Duterte na siya ang “designated survivor.”

Pagkatapos ng play ay tinalakay naman ng mga kinatawan ng iba’t ibang progresibong grupo sa ilalim ng “Tindig Pilipinas” na sina Ging Deles ng Tindig Pilipinas, Sylvia Claudio ng EveryWoman, Khylla Meneses ng Akbayan! Youth, Chloe Stacey Ong ng Liberal Party Youth, Matthew Silverio ng Youth Resist at Student Council Alliance of the Philippines, Volt Bohol ng CSO Guild - August Twenty One Movement, at Teddy Lopez ng Solidar/Talesayen.

National

VP Sara, wala raw dahilan para patayin si PBBM: ‘Buti kung tagapagmana ako ng nakaw na yaman!’

Kasama sa mga isyung iginiit ng grupo na dapat banggitin ni Marcos sa SONA ay ang warrant of arrest ni Pastor Apollo Quiboloy, ang pag-imbestiga ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pa, ang tungkol sa naging confidential funds ni VP Sara, at ang isyu ng West Philippine Sea.

KAUGNAY NA BALITA: Sonny Angara, huwag gayahin si Sara Duterte na 'puro drama' -- progressive group

Bago magtapos ang programa, nag-alay rin ang koalisyon ng awitin para sa mga Pilipino bilang panawagan daw nila para sa tunay na pagkakaisa para sa ikabubuti ng bansa.

Nakatakda namang ganapin ang SONA ni Marcos sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.