Iginiit ng samahang “Tindig Pilipinas” na inaasahan nilang babaguhin ni bagong Department of Education (DepEd) Secretary at Senador Sonny Angara ang “puro drama” umanong legasiya ni Vice President Sara Duterte sa ahensya.
Sa isang press conference nitong Huwebes, Hulyo 18, sinabi ni Student Council Alliance of the Philippines (SCAP) National Spokesperson Matthew Silverio na dapat tugunan ni Angara ang pangangailangan ng sektor ng edukasyon.
“Ang Filipino students ay expectant na ang bagong DepEd secretary ay babaguhin ‘yung legacy ng former DepEd secretary na si Sara Duterte, na hindi puro drama, na hindi purong away sa kapwa politiko, sa kapwa mga trapo, kundi tutugon talaga sa mga pangangailangan ng mga estudyante, ng mga guro, at ng mga administrasyon ng mga paaralan,” saad ni Silverio.
Kaugnay nito, hinamon din ng SCAP national spokesperson si Angara at ang administrasyong Marcos na solusyunan ang krisis ng edukasyon, maglaan ng mas malaking pondo sa sektor, magtayo ng mas maraming mga silid-aralan, bigyan ng sapat na sahod ang mga guro, at isulong ang karapatan ng mga estudyante.
“DepEd Secretary Sonny Angara, President Ferdinand Marcos Jr., do not disappoint the Filipino students,” giit ni Silverio.
Nito lamang ding Huwebes nang opisyal nang ipinasa ni Duterte kay Angara ang pamunuan ng DepEd sa ginanap na turnover ceremony sa Bulwagan ng Karunungan sa Pasay City.
MAKI-BALITA: VP Sara, ipinagkatiwala na ang DepEd kay Sen. Angara
Matatandaang noong Hunyo 19 nang ianunsyo ni Duterte ang kaniyang pagbibitiw bilang kalihim ng DepEd at miyembro ng gabinete ni Marcos.
MAKI-BALITA: VP Sara sa pagbibitiw bilang DepEd Secretary: ‘Hindi lulan ng kahinaan’
Pagkatapos nito, noong Hulyo 2 nang ihayag ng Palasyo na si Angara na nga ang napiling bagong hepe ng ahensya.
MAKI-BALITA: Sen. Sonny Angara, itinalaga bilang bagong DepEd secretary