November 23, 2024

Home BALITA National

LPA sa loob ng PAR, posibleng maging bagyo -- PAGASA

LPA sa loob ng PAR, posibleng maging bagyo -- PAGASA
Courtesy: PAGASA/FB screengrab

Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Hulyo 16, na may posibilidad na maging bagyo ang binabantayan nitong low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR).

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, iniulat ni Weather Specialist Rhea Torres na huling namataan ang LPA 310 kilometro ang layo sa East Northeast ng Davao City.

“Inaasahan natin na magdadala ito ng maulan na panahon simula bukas sa malaking bahagi ng Eastern at Central Visayas, at ilang bahagi ng Mindanao,” ani Torres.

Sa kasalukuyan ay nagdudulot ang LPA ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Eastern Visayas, Caraga, at Davao Region.

National

De Lima kay VP Sara: ‘Kung magnakaw wagas, kapag pinapaliwanag andaming hanash!’

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, patuloy pa rin ang pag-iral ng southwest monsoon o habagat, kung saan magdadala ito ng mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Palawan.

Ayon pa sa PAGASA, malaki rin ang tsansang magdulot ang habagat ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila, Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, Cavite, Batangas, Bataan, at Occidental Mindoro.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din naman ang posibleng maranasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil ng localized thunderstorms.

Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.