Iginiit ni dating Senador Leila de Lima na dapat repasuhin ang hatol ng Davao del Norte Regional Trial Court Branch 2 kina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, dating Bayan Muna Party-list Rep. Satur Ocampo at iba pa kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanila noong 2018.
Nito lamang Lunes, Hulyo 15, nang hatulan ng korte sina Castro, Ocampo, walong mga guro ng Salugpungan Ta 'Tanu Igkanogon Community Learning Center, dalawang miyembro ng Alliance of Concerned Teachers, at iba pa ng paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act dahil umano sa “pag-kidnap” ng 14 kabataan sa Talaingod, Davao del Norte noong 2018.
MAKI-BALITA: Rep. Castro, Ex-Rep. Ocampo at iba pa, hinatulang guilty ng 'child abuse'
“The judgment convicting former Rep. Satur Ocampo, Rep. France Castro, et. al. for supposed child abuse involving Lumad children should be reviewed and reversed on appeal,” giit ni De Lima sa isang pahayag nitong Martes, Hulyo 16.
Ayon pa dating senador, pinrotektahan lamang nina Castro ang naturang mga kabataan mula sa “armed conflict.”
“It is the height of irony that those who seek to protect children from the armed conflict between insurgents and the State are targeted and politically persecuted,” ani De Lima.
“This should never happen in a just, free and democratic society,” saad pa niya.
Matatandaan namang nitong Lunes nang igiit nina Castro at Ocampo na hindi katanggap-tanggap ang naging hatol ng korte dahil binalewala umano nito ang mga testimonya hinggil sa patuloy daw na panggigipit ng mga pwersang militar at paramilitar sa mga paaralang Lumad at ang panganib na kinakaharap ng mga estudyante.
MAKI-BALITA: 'Unacceptable, unjust!' Castro at Ocampo, pinalagan paghatol sa kanila ng 'child abuse'
Samantala, ipinahayag naman ng Gabriela Women's Party na ang paghatol sa naturang mga akusado ay manipestasyon ng kawalan ng hustisya sa bansa.
MAKI-BALITA: Paghatol ng korte kina Castro, manipestasyon ng inhustisya sa PH -- Gabriela