Isa nang ganap na bagyo ang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Hulyo 15.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Obet Badrina na huling namataan ang naturang tropical depression 1,100 kilometro ang layo sa kanluran ng Central Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour at pagbugsong 55 kilometers per hour.
Kumikilos ito pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometers per hour.
“Hindi natin ito inaasahang makaaapekto sa ating bansa. Malapit na ito sa bansang Vietnam,” ani Badrina.
Samantala, bagama’t walang direktang epekto ang naturang bagyo, paiigtingin daw nito ang southwest monsoon o habagat na patuloy namang umiiral sa malaking bahagi ng bansa.
Ayon sa PAGASA, inaasahang magdudulot ang habagat ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Mindanao, Western Visayas, Palawan, at Occidental Mindoro.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Bukod dito, malaki rin ang tsansang magdadala ang habagat ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila, mga natitirang bahagi ng MIMAROPA, Batangas, Cavite, Laguna, at Bataan.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din ang posibleng maranasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman ng localized thunderstorms.
Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.
Samantala, sa kasalukuyan ay may binabantayan din ang PAGASA na kumpol ng kaulapan o cloud clusters sa silangang bahagi ng Mindanao sa loob ng PAR.
Hindi raw inaalis ang posibilidad na maging LPA ang naturang cloud clusters at saka maging bagyo sa susunod na mga araw.