Nagpahayag ng pasasalamat si United States (US) Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa naging mensahe kaugnay ng nangyaring “assassination attempt” kay dating US President Donald Trump.
Ayon sa ulat ng Associated Press, inihayag ng law enforcement officials na lumilitaw umanong target si Trump ng isang tangkang pagpatay habang nagsasalita siya sa isang rally sa Pennsylvania nitong Sabado, Hulyo 13.
Nagtamo umano ang dating US president ng pagdurugo sa tainga dahil sa sinabi niyang putok ng baril, at ngayon ay nasa maayos nang kalagayan.
Sinabi naman ni Marcos sa isang X post na masaya siyang nasa maayos nang kalagayan si Trump, kung saan sinabi rin niyang dapat kundenahin ang lahat ng anyo ng “political violence.”
MAKI-BALITA: PBBM, masayang ligtas si Donald Trump mula sa 'assassination attempt'
Sa isa ring X post ay ni-repost ni Carlson ang pahayag ni Marcos, kalakip ang kaniyang pasasalamat dito.
“Thank you, President @bongbongmarcos for your message. We deeply appreciate your friendship and support,” saad ni Carlson.
Kaugnay na Balita: Joe Biden, kinondena 'assassination attempt' kay Donald Trump