Ipinahayag ni Senador Win Gatchalian na isang hakbang ang pag-aresto kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at pito pa nitong mga kasamahan para masigurado umano ang kaligtasan ng bansa.
Matatandaang nito lamang Sabado, Hulyo 13, nang maglabas ang Senado ng arrest order laban kay Guo dahil sa hindi nito pagdalo sa mga pagdinig ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality noong Hunyo 26, 2024 at Hulyo 10, 2024, kaugnay ng na-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban.
Bukod sa suspendidong alkalde ay inihain din ang arrest order laban kina Dennis Cunanan, Nancy Gamo, Sheila Guo, Wesley Gui, Jian Zhong Go, Seimen Guo, at Wenyi Lin.
MAKI-BALITA: Senado, naglabas na ng arrest order vs Alice Guo
Sa isang pahayag nito ring Sabado, sinabi ni Gatchalian na tigilan na raw nina Guo ang pagtatago dahil mananagot umano ang dapat managot.
“Ang pag-aresto kay Guo Hua Ping aka Alice Guo at sa kanyang mga kasamahan ay isang hakbang para masiguro ang kaligtasan ng ating bansa,” pahayag ni Gatchalian.
“Tigilan na ang pagtatago. Mananagot ang dapat managot,” saad pa niya.
Matatandaang bukod sa isyu ng POGO hub ay iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kontrobersyal na identidad ni Guo.
Kamakailan lamang ay isiniwalat ni Senador Risa Hontiveros na kinumpirma na ng National Bureau of Investigation (NBI) na iisa lamang si Guo at ang isang Chinese national na “Guo Hua Ping.”
MAKI-BALITA: NBI, kinumpirmang iisa lang si Alice Guo at Guo Hua Ping -- Hontiveros
Samantala, sa isang pahayag ay muling iginiit ng alkalde na isa siyang Pilipino at mahal daw niya ang Pilipinas.
MAKI-BALITA: Alice Guo, muling iginiit na isa siyang Pinoy: 'Mahal na mahal ko ang Pilipinas'