Hinamon ni Pangulong Bongbong Marcos si Pastor Apollo Quiboloy na lumabas na at harapin ang mga akusasyong ibinabato laban sa kaniya imbes na kwestyunin ang ₱10 milyong pabuya para sa impormasyong magiging dahilan ng pagka-aresto niya.
No'ng Lunes, Hulyo 8, inanunsyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na bibigyan ng ₱10 milyong pabuya ang sinumang makapagbibigay ng impormasyong magiging dahilan ng pagka-aresto kay Quiboloy.
BASAHIN: P10M pabuya, ibibigay sa makapagtuturo kay Quiboloy -- Abalos
Sa isang ambush interview sa Rodriguez, Rizal, hinamon ng Pangulo ang religious leader na magpakita na matapos na kwestiyunin ng kampo ni Quiboloy ang naturang pabuya.
"He can question their motives as much as they want. But magpakita siya," ani PBBM, ayon sa ulat ng Manila Bulletin.
"I question his motives. Let me question his motives. Bakit lagi kami kinukuwestiyon," dagdag pa ng pangulo.
Wala rin daw nakikitang mali si Marcos kung tumanggap ang gobyerno ng donasyon mula sa private individuals na gustong maaresto si Quiboloy, na tinawag niyang "fugitive."
"Bakit hindi? They want to help us bring a fugitive to justice. You know, he is a fugitive. He is hiding from the law," anang pangulo.
Hinikayat din niya si Quiboloy na sumunod sa batas.
"Sinusundan lang namin ang batas. Sundin din niya ang batas," saad ni Marcos.
Bukod kay Marcos, hinamon din ni Abalos si Quiboloy na kung talagang wala raw itong kasalanan ay sumuko ito at patunayan sa korte.
BASAHIN: Abalos, hinamon si Quiboloy: 'Wala kang kasalanan? Sumuko ka!'
Kaugnay pa nito, posibleng maharap sa kasong “obstruction of justice” si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa naging pahayag nito kamakailan na alam niya kung nasaan si Quiboloy, ngunit “secret” lang daw niya.
BASAHIN: FPRRD, posibleng kasuhan ng 'obstruction of justice' dahil kay Quiboloy
“Kung tanungin mo kung nasaan si Pastor, alam ko,” ani Duterte sa isang press conference sa Tacloban City nitong Linggo, Hunyo 30.
BASAHIN: Ex-Pres. Duterte, alam kung nasaan si Pastor Quiboloy: 'Pero secret!'
Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa “ANTI-TRAFFICKING IN PERSONS ACT OF 2003 (RA 9208 AS AMENDED BY RA 10364), REPUBLIC ACT 7610 (SPECIAL PROTECTION OF CHILDREN AGAINST ABUSE, EXPLOITATION, AND DISCRIMINATION ACT), AND CONTEMPT OF COURT.”