Patuloy pa rin ang pag-iral ng easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Hunyo 2.
Sa weather forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Grace Castañeda na kasalukuyang nakaaapekto ang easterlies sa silangang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.
Kaugnay nito, inaasahang makararanas ang buong bansa ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan bunsod ng easterlies.
“Meron lamang tayong mararanasan na mga isolated na pag-ulan lalong lalo na po sa kanlurang bahagi ng Mindanao ngayong umaga dulot po ng easterlies at ng localized thunderstorms,” ani Castañeda.
Pinag-iingat ang mga residente sa nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Samantala, nitong Sabado ng gabi, Hunyo 1, ay naging isang low pressure area (LPA) na lamang daw ang binabantayan ng PAGASA na weather disturbance sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Sa kasalukuyan ay wala naman daw direktang epekto ang naturang LPA sa alinmang bahagi ng bansa.