Nais ng dalawang mambabatas mula sa Maynila na tuluyan nang masugpo ang online gambling dahil maging mahihirap at mga kabataan ay nabibiktima nito.

Sa kanilang pagdalo sa ‘MACHRA Balitaan’ na isinagawa ng Manila City Hall Reporters' Association (MACHRA) nitong Martes sa Harbor View, sa Maynila, sinabi nina Manila Congressmen Ernix Dionisio ng 1st district at Irwin Tieng ng 5th district, na dapat nang ipagbawal ang lahat ng uri ng illegal gambling.

Metro

Mga deboto ng Jesus Nazareno na nangailangan ng atensyong medikal, pumalo sa 900<b>—Red Cross</b>

Nangako rin sila na tatrabahuhin ang pormal at perpetual ban ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) sa pamamagitan nang lehislasyon o paghahain ng batas hinggil dito.

Ayon kay Dionisio, ang pagsusugal ay dapat na sa mga casino lamang para sa mga mayayamang adults, na mayroong sobrang pera na pangsugal, sa halip na gawin itong available online, kung saan maging ang mga mahihirap at mga kabataan ay nahihikayat na sumali dito.

Ani Dionisio, sa sandali kasing malulong sa sugal ay nagagawa pa ng mga ito na mangutang at gumawa ng masama upang masustentuhan lamang ang kanilang bisyo.

“Gambling should be limited only to those who go to the casinos. Dapat ang sugal hindi accessible lalo na sa mga bata na ipinupusta pati mga baon nila,” dagdag pa ng mambabatas.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Tieng na lumiham na siya sa isang major telecommunications company, at humihingi ng paliwanag kung bakit nagpapadala ito ng text messages sa kanilang mga subscribers na nanghihikayat sa kanila na magsugal.

Nais malaman ni Tieng kung ang text messages ay ipinapadala sa lahat ng subscribers ng naturang telecom, maging sila man ay menor de edad, dahil isang click lang aniya sa link na ipinadala nito ay maaari nang pumasok sa mundo ng online gambling.

Kasabay nito, nanindigan rin ang mga mambabatas na ang ban sa POGO ay dapat nang i-formalized at i-institutionalized, sa pamamagitan nang pagpapasa ng batas.

Anila pa, mas malaki ang dulot na kapahamakan at negatibong impact na hatid ng POGO sa lipunan, kumpara sa mga benepisyong nakukuha dito.

Binigyang-diin din nila na marami pa namang ibang paraan upang makalikom ng pondo.