Sinagot ni Senador Jinggoy Estrada ang binitawang salita ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales hinggil sa pagiging “convicted” niya.
“Parang hindi naman po maganda ‘yung sinasabi ni Senator Jinggoy Estrada patungkol sa akin. Para namang ako talaga ang hinuhusgahan. Ako’y may kaso pa lang, at hindi pa napapatunayan sa hukuman. Hindi kagaya po ng ating butihing senador, na-convict na po,” giit ni Morales sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs nitong Lunes, Mayo 13.
Sinabi ito ni Morales matapos kuwestiyunin ni Estrada, vice chairman ng komite, kung papayagan bang tumestigo sa Senado si Morales, na nahaharap umano sa mga kaso hinggil sa “planting of evidence,” “estafa,” “extortion,” at “false testimony.”
Samantala, agad namang sinagot ni Estrada ang naging pahayag ni Morales at sinabing huwag umano nitong pakialaman ang kaniyang kaso.
“Alam mo, Mr. Morales, huwag mong pakikialaman ang kaso ko, problema ko ‘yun. ‘Yung kaso mo ang ayusin mo, ha,” anang senador.
Samantala, matatandaang noong Enero 2024 nang ideklara ng Sandiganbayan si Estrada na “guilty” sa kasong direct at indirect bribery.
https://balita.net.ph/2024/01/19/jinggoy-estrada-absuwelto-sa-plunder-guilty-sa-kasong-bribery/