Inaasahang patuloy na makararanas ng mainit na panahon ang buong bansa dahil sa epekto ng easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Abril 28.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, iniulat ni PAGASA Weather Specialist Grace Castañeda na magdudulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng maalinsangang panahon sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, lalo na sa tanghali hanggang hapon.
Dahil dito, inabisuhan ng PAGASA ang publiko na panatilihing mag-ingat at magdala ng mga pananggalang sa init kapag hindi maiwasang lumabas.
“Hangga’t maaari ay limitahan lamang po natin ang outdoor activities, at kung hindi naman po maiiwasan ay huwag po natin kalimutang magpahinga from time-to-time at sumilong,” ani Castañeda.
“Uminom din po tayo ng tubig upang maiwasan natin ‘yung panganib na dulot ng init sa ating kalusugan,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, matatandaang nagbigay kamakailan ang Department of Health (DOH) ng mga impormasyon hinggil sa mga sintomas ng sakit na dala ng init at kung ano ang mga dapat gawin upang maiwasan ito.
Samantala, posible pa rin naman daw ang mga pulo-pulong pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa malaking bahagi ng bansa, lalo na sa Mindanao, pagsapit ng hapon hanggang sa gabi ngayong Linggo. Ito ay dahil na rin umano sa epekto ng localized thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay walang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).