Umaabot na sa kabuuang 500 pulis sa National Capital Region (NCR) ang nasibak umano bunsod ng iba’t ibang kadahilanan, simula nang maupo sa puwesto si PMGEn Jose Melencio Nartatez, Jr. bilang direktor ng National Capital Region Office (NCRPO).

Sa kanyang pagdalo sa ‘Balitaan forum’ ng Manila City Hall Reporters' Association (MACHRA) na ginanap sa Harbor View Restaurant nitong Lunes, sinabi ni Nartatez ang pinakamataas na ranggo na nasibak niya sa puwesto ay isang colonel.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Hindi naman na ibinunyag ni Nartatez ang pangalan ng naturang opisyal, gayundin ang kadahilanan kung bakit ito nasibak.

Kaugnay nito, sinabi rin ng NCRPO chief na ang decommissioning ng mga pulis ay patuloy na ginagawa sa NCRPO.

Ayon kay Nartatez, ang pagpaparusa sa mga pasaway na mga pulis ay mula demosyon, dismissal hanggang sa  forfeiture ng benefits.

Paglilinaw pa niya, nasa 5% lamang ng kabuuang bilang ng kapulisan sa bansa ang gumagawa ng katiwalian at ang mga ito ay nakakatanggap ng kaukulang parusa.

“It is unfair for the 95 percent who are doing good,” giit pa ng heneral.

Samantala, iniulat din naman ng NCRPO chief na may 40 indibidwal ang nahuhuli araw-araw sa Metro Manila dahil sa illegal drugs habang ang standard value ng drogang nakukumpiska araw-araw ay nasa P1.2 milyon.