Arestado ang isang habal-habal driver matapos na maharang sa isang anti-criminality checkpoint operation sa Pasig City nitong Martes at nahulihan ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P1.7 milyon.

Kinilala lamang ni Pasig City Police chief PCOL Celerino Sacro Jr. ang suspek sa alyas na ‘Win,’ 22, habal-habal driver, at residente ng Brgy. Prinza, Teresa, Rizal.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Batay sa ulat ng Pasig City Police, nabatid na dakong alas-3:20 ng madaling araw nang maaresto ang suspek sa F. Legaspi St., Brgy. Maybunga, Pasig City.

Nauna rito, nagsasagawa umano ng checkpoint operation sa naturang lugar ang mga tauhan ng Rosario Police Sub-Station (SS7) sa pamumuno ni PCPT Jazon Lovendino, Sub-Station Commander, nang mapuna ang suspek, na lulan ng isang asul na Honda Click 125CC na motorsiklo at kahina-hinala ang kilos.

Pinara ng mga pulis ang suspek at nang hingian ng driver’s license at rehistro ay nabalisa ito at ayaw makipag-cooperate sa mga awtoridad.

Naging arogante rin umano ang suspek at sinipa pa ang arresting officer.

Tinangka rin umanong tumakas ng suspek ngunit hinabol siya ng mga pulis at kaagad ding naaresto.

Nakumpiskahan din siya ng mga awtoridad ng isang pulang bag na naglalaman ng hinihinalang shabu, na tumitimbang ng humigit-kumulang sa 250.8 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P1,705,440.

Nakapiit na ang suspek at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Direct Assault, Resistance and Disobedience.