Iniulat ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark nitong Lunes ang pagkakakumpiska sa kabuuang 31,250 gramo ng hinihinalang shabu na may estimated value na ₱212.5 milyon sa isinagawang operasyon.

Ayon sa BOC, naging matagumpay ang operasyon at kumpiskasyon sa mga illegal na droga, na idineklara pang mga routers, sa pakikipag-koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), X-ray Inspection Project (XIP), Enforcement and Security Service (ESS), at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).

Bago ang operasyon, nakatanggap ang BOC ng derogatory information mula sa PDEA, hinggil sa isang shipment mula sa New Jersey, USA, na darating sa bansa noong Marso 21, 2024.

Kaagad namang isinailalim ang shipment sa x-ray scanning at K9 sniffing at nakitaan ng indikasyon na naglalaman ang mga ito ng ipinagbabawal na gamot.

Sa isinagawang pisikal na eksaminasyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang may 29 pakete ng vacuum sealed transparent plastic, na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Kaagad namang naglabas ng Warrant of Seizure and Detention si District Collector Erastus Sandino B. Austria laban sa naturang subject shipment dahil sa paglabag sa Section 118 (g), 119 (d), at 1113 par. f, I, at l (3 and 4) ng Republic Act No. 10863 o The Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) in relation to RA 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.