Lumuha umano ng dugo ang isang imahen ng Our Lady of Fatima sa Sagñay, Camarines Sur.
Sa ulat ng GMA News, nangyari daw ang naturang pagluha ng dugo ng imahen noong Marso 20, 2024, habang isinasagawa sa lugar ang house-to-house visitation bilang bahagi ng kanilang tradisyon.
Nang dumating na raw ang imahen ni Mama Mary sa bahay ni Salvacion Navalta, niyakap niya ito saka hinalikan sa kamay, at doon na umano nangyari ang nakapagpatayo ng kaniyang balahibo.
"Pagdating doon sa loob ng bahay namin binaba ko na sa may altar, niyakap ko po siya sabi ko 'Mama Mary nandito ka naman sa akin.' Nang hahalik na ako sa kamay niya... tumayo ‘yung mga balbon ko, parang nanghihina ‘yung mga tuhod ko. Sabi ko, 'Mama Mary, ano ito?' tapos sabi ko, 'Diyos ko, Mama Mary, ano ang ibig sabihin nito?'," paglalahad ni Navalta sa GMA.
Bukod kay Navalta ay nakita rin daw ng ilang mga residente ang pagluha ng imahen at agad din itong kumalat sa kanilang lugar. Pinaniniwalaan ng iba na isang mensahe ito para magbalik-loob sa Diyos.
Dagdag pa ng ulat, nakarating din ang nangyari sa kumbento ng Saint Andrew the Apostle Parish sa Sagñay, maging sa Archdiocese of Caceres.
Kaugnay nito, magsasagawa umano ng pagsusuri at imbestigasyon ang simbahang Katolika upang malaman ang katotohanan ng ulat at makita kung ang nangyari ay maituturing na isang milagro. Ilang mga taon daw ang maaaring magugol para sa prosesong ito.
"Kaipuhan talagang examinon itong imahen, hilingon kung ano tong dugo na to, kung anong liquid itong nagluluwas sa mata [kung] actual or genuine blood, so kadakol pong mga investigation," saad ni Rev. Fr. Luisito Occiano, tagapagsalita ng Archdiocese of Caceres, sa ulat ng GMA.