Nahaharap na sa kasong kriminal ang isang empleyado ng Quezon City government makaraang arestuhin ng pulisya sa umano'y pangingikil sa isang negosyante sa lungsod nitong Sabado ng gabi.

Hindi na binanggit ang pagkakakilanlan ng 56-anyos na suspek na nakatalaga sa QC Engineering Office bilang supervisor.

Sa ulat ng pulisya, dinampot ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang suspek makaraang tanggapin ang marked money na  ₱  5,000 at ₱700,000 tseke sa loob ng isang food chain sa Visayas Avenue.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Sa reklamo ng 47-anyos na Filipino-Chinese businessman, pinangakuan siya ng suspek na tulungang kumuha ng permit ng bodega ng kanyang pet food business, kapalit ng pagbabayad nito.

Nasa ₱1.5 milyon ang unang idiniposito ng complainant sa bangko bilang bayad ng suspek.

Nasundan pa ito ng ₱1.1 milyon upang mailakad ang dokumento ng kanyang negosyo noong 2022.

Sa kabila nito, wala pa ring nailalabas na dokumento ang suspek.

Nitong Marso 15, nakipag-ugnayan na naman ang suspek at hinihingan ng ₱1.7 milyon ang negosyante kaya't inaresto ang una.

PNA