Sugatan ang dalawang fire volunteer habang nasa 600 pamilya ang nawalan ng tahanan sa isang sunog na sumiklab sa isang residential area sa Tondo, Manila, nitong Huwebes ng gabi.

Nagtamo lamang ng slight injuries dahil sa sunog ang mga fire volunteers na sina Nilo Noque, 17, ng Central Tondo Fire Volunteers Group at Marky Villanueva, 30, ng JEC, at kapwa nasa maayos na lagay.

Metro

Tinatayang 14,000 kapulisan, nakahanda na para sa Traslacion 2025

Lumilitaw sa imbestigasyon ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), na dakong alas-10:34 ng gabi nang magsimulang sumiklab ang sunog sa Building 29, Aroma St., Temporary Building, Barangay 105,  Tondo.

Nagsimula umano ito sa dalawang palapag na bahay na pagmamay-ari ng isang Sharon Vinco at mabilis na kumalat sa nasa halos 200 kabahayan, na pawang gawa sa mga light materials.

Umabot ito sa ikalimang alarma bago naideklarang under control dakong alas-12:44 ng madaling araw.

Tuluyan naman itong naapula dakong alas-5:26 ng madaling araw.

Batay sa pagtaya ng mga awtoridad, nasa 600 pamilya o 1,800 indibidwal ang naapektuhan ng sunog.

Tinataya namang nasa P6.5 milyon ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy.