Nahaharap na sa patung-patong na kaso ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) matapos ipadala sa menor de edad na anak ng "lover" nito ang kanilang sex video sa Quezon City kamakailan.

Kabilang sa mga kasong isinampa ni AJ (hindi tunay na pangalan) laban sa isang 52-anyos na police colonel ang paglabag sa Republic Act (RA) 9262, o ang Anti-Violence Against Women and Children Law, at RA 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act).

Ang kaso ay iniharap sa Quezon City Prosecutor's Office (QCPO).

Nag-ugat ang lahat nang makilala ng biktima ang nasabing pulis matapos itong umorder ng nameplate sa pamamagitan ng messaging app noong Disyembre 2020.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Nagkataon din aniyang nagkaroon sila ng problema ng kanyang asawa at naging tagapayo nito ang nasabing pulis.

Dahil sa madalas na komunikasyon, nagkasosyo sa negosyo ang mga ito hanggang sa magkaroon sila ng relasyon.

Ipinaliwanag ng biktima, napansin niyang kinunan ng pulis ang una nilang "intimate date" kaya't tinangka niyang ipabura na ikinagalit ng huli.

Sa salaysay ng biktima, tinangka niyang wakasan ang kanilang relasyon noong 2021, gayunman, nagbanta umano ang pulis na ipapadala nito ang kanilang video sa asawa ng biktima.

Dahil dito aniya, napilitan siyang ituloy ang kanilang relasyon.

Lalo aniyang lumala ang sitwasyon nitong Enero nang kumprontahin siya ng isang Facebook user na nagpakilalang asawa siya ng pulis.

Ang nasabi ring Facebook account ang nagpadala ng video sa menor de edad na anak nito.

Isa ring screen grab ng video ang ipinadala ng nasabing Facebook user sa kanyang asawa.

Apektado na ang pamilya ng biktima dahil na rin sa insidente.

Paglilinaw pa ng biktima, nag-usap na sila ng kanyang asawa at nagdesisyong ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa nabanggit na pulis.

Aaron Recuenco