Mahihirapang makabalik sa serbisyo ang pulis na pinawalang-sala sa pagkakapaslang sa 17-anyos na si Jerhode "Jemboy" Baltazar sa Navotas noong 2023.

Ito ang naging pahayag ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Col. Jean Fajardo sa press conference sa Camp Crame nitong Biyernes at sinabing hiwalay ang kasong administratibo sa criminal case na isinampa laban sa kanya at sa lima pang pulis na akusado.

“Ito naman administrative case na isinampa sa kanila ay for grave misconduct, serious irregularity in the performance of duty, conduct unbecoming, iba 'yung ebidensya iprinisent sa kanila,” anang opisyal.

Aniya, umapela na ang anim na pulis kaugnay ng pagkakasibak nila sa serbisyo noong Nobyembre 2023, dalawang buwan bago maibaba ng korte ang kanilang hatol.

“Regardless if they were acquitted, the appeal won't be automatically approved in their favor, much more their reinstatement. There is a process to be followed," ani Fajardo.

Matatandaang inabsuwelto ng Navotas City Regional Trial Court Branch 286 si S/Sgt. Antonio Bugayong, habang hinatulan naman si S/Sgt. Gerry Maliban sa kasong homicide, at sina Executive Master Sgt. Roberto Balais Jr., S/Sgt. Nikko Esquillon, Cpl. Edward Blanco, at Pat. Benedict Mangada sa kasong illegal discharge of a firearm.

Sa rekord ng kaso, napatay si Baltazar matapos umanong mapagkamalan sa ikinasang operasyon ng pulisya sa Navotas noong Agosto 2023.

PNA