Isang tricycle driver ang sinawimpalad na bawian ng buhay matapos na tamaan ng ligaw na bala habang nakikipag-inuman sa San Andres Bukid, Manila nitong Huwebes ng madaling araw.

Hindi na umabot pa ng buhay sa Bagong Ospital ng Maynila ang biktimang si Gonzalo Pacheco, 43, tricycle driver, at residente ng 1704 Dagonoy St., San Andres Bukid, dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.

Samantala, sugatan din naman si Ferdinand Fontanilla, 36, kapitbahay ng biktima, na siyang umanong target barilin ng naarestong suspek na si Virgilio Celis, alyas Utoy, 32, miyembro ng Batang City Jail, at residente ng 1661 Crisolita St., San Andres Bukid.

Batay sa initial report ni PSMS Niño Baladjay, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na dakong alas-12:45 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa Onyx at Dogonoy St., sa San Andres Bukid.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Sa salaysay sa pulisya ng testigong si Rhea, lumilitaw na bago ang pamamaril ay nagkaroon ng alitan sa pagitan nina Celis at Fontanilla, na nauwi sa habulan.

Nang hindi maabutan si Fontanilla, ay pinaputukan umano siya ng suspek at tinamaan sa likod.

Minalas naman na pati si Pacheco na noon ay nakikipag-inuman sa lugar ay tinamaan din at siya pang napuruhan ng suspek.

Kaagad namang kinuyog ng mga residente si Celis habang hawak pa ang .45 kalibre ng baril na ginamit sa pamamaril.

Ang suspek ay nakapiit na at mahaharap sa patung-patong na kasong kriminal matapos na arestuhin ni PCpl Raymond Sotto na kaagad na rumesponde nang mamataan ang komosyon sa lugar.