Noong Enero 25, 1948, 76 taon na ang nakalilipas, yumanig ang pangalawang pinakamalakas na lindol sa kasaysayan ng Pilipinas, kung saan ito raw ang pinakaunang lindol na binigyan ng pangalan.

Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong 1:46 ng madaling araw noong Enero 25, 1948 nang yanigin ng magnitude 8.2 na lindol ang timog-kanluran ng Panay Island.

Ito raw ang pangalawang pinakamalakas na lindol sa kasaysayan ng bansa, na nagdulot ng malawakang pagkawasak sa Aklan, Antique, Capiz, at Iloilo.

Ayon sa Phivolcs, umabot sa 17 ang mga estrakturang gumuho, habang 55 Spanish-era stone churches din sa Panay Island ang nasira ng malakas na pagyanig.

Tourism

World Architecture Day: Ilang makasaysayang gusali sa bansa na nananatili pa ring nakatayo

“The historic Oton Church was severely damaged that it was forced to be demolished. The five-story belfry of Jaro Cathedral also collapsed,” anang Phivolcs.

Dahil sa lakas ng pinsala ng lindol, ipinangalan ito ng mga lokal na residente ng “Lady Caycay” earthquake.

Ang salitang “Caycay” ay isa umanong Kinaray-a at Hiligaynon na termino na tumutukoy sa mga gasgas sa lupa na katulad ng ginagawa ng mga manok, at/o sa isang lokal na awiting naaalala ng mga matatanda sa lugar.