PCG, magbibigay seguridad sa Traslacion sa Enero 9
Tutulungan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Philippine National Police (PNP) sa pagbibigay ng seguridad sa Traslacion ng Itim na Nazareno sa Enero 9.
Ito ang tiniyak ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan at sinabing inatasan na niya ang Coast Guard District NCR (National Capital Region)-Central Luzon na maghanda na sa ilalatag na security operations para na rin sa kaligtasan ng mga sasama sa prusisyon.
Ipakakalat aniya ng PCG ang Coast Guard K9 units nito upang magbantay sa Quirino Grandstand, Jones Bridge at sa Quiapo Church.
Babantayan din ng Coast Guard ang mga kalapit na lugar katulad ng Pasig River at Manila Bay na nasa likod ng Quirino Grandstand.
Naka-standby din ang mga medical team ng PCG sakaling magkaroon ng mass evacuation o magbigay ng kinakailangang tulong habang isinasagawa ang prusisyon.
"The Philippine Coast Guard is one with the Philippine National Police and religious organizers for the successful, safe, and peaceful conduct of the Black Nazarene Traslacion, a time-honored Roman Catholic tradition," dagdag pa ni Gavan.