Halos 100 motoristang dumaan sa EDSA bus lane, hinuli ng MMDA
Halos 100 motorista ang hinuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa pagdaan sa EDSA busway at paglabag sa iba pang batas-trapiko nitong Miyerkules.
Ito ay resulta ng pinaigting pang kampanya ng ahensya laban sa mga motoristang walang disiplina sa paggamit ng kalsada.
Ang operasyong isinagawa mula sa Pasay City hanggang Monumento sa Caloocan City ay pinangunahan ng Special Operations Group-Strike Force, ayon sa MMDA.
Kaugnay nito, muling umapela ang MMDA sa mga motorista na huwag nang dumaan sa nasabing busway para na rin sa kaligtasan ng mga pasahero.
Bukod sa mga pampasaherong bus na nag-o-operate sa EDSA Busway route, pinapayagan ding gumamit ng naturang kalsada ang mga ambulansya, fire truck, sasakyan ng Philippine National Police; at service vehicles para sa EDSA Busway Project (construction, security, janitorial, maintenance services).