Nagsasagawa na ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng masusing pagsisiyasat hinggil sa umano’y ‘hacking’ incident sa kanilang Facebook page.
Matatandaang nitong Martes, naging kapuna-puna ang pagpapaskil ng ilang malalaswang larawan sa FB page ng PCSO, na tumagal pa hanggang nitong Miyerkules.
Maki-Balita: ‘Mas jackpot pa sa lotto?’ Socmed post ng PCSO, pinagkaguluhan ng netizens
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni PCSO General Manager Melquiades Robles na, “Immediately, noong nakita namin merong ganun, tinake down namin voluntarily. At iyon nga, pinapa-imbestigahan namin.”
Sa kabila nito, sinabi ni Robles na hindi pa nila tiyak kung talagang na-hack nga ba ang kanilang social media account.
Naghihintay pa rin aniya siya ng opisyal na ulat hinggil dito.
Tiniyak din naman ni Robles sa publiko na wala silang dapat na ikabahala dahil ang sistemang ginagamit nila para sa lotto ay iba sa ginagamit nila sa Facebook page.
Wala rin aniyang mahahalagang datos ang nakumpromiso at nananatiling intact ang kanilang sistema.
Paliwanag ni Robles, ang naturang social media page ay ginagamit lamang nila sa information dissemination.