Mga motorista na lumabag sa EDSA bus lane policy, nabawasan
Nabawasan na ang bilang ng mga motoristang lumalabag sa EDSA bus lane policy kasunod na rin ng ipinatutupad na mataas na multa, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes sa panayam sa telebisyon nitong Martes, umabot na lamang sa 62 ang nahuling motoristang nitong Lunes, mas mababa kumpara sa mahigit 500 nitong nakalipas na linggo.
Karamihan sa mga lumabag ay motorsiklo at pribadong sasakyan.
Isa aniya sa dahilan nito ay ang mataas na multa laban sa mga violator.
Nasa ₱5,000 ang multa sa unang paglabag at ang ikaapat na paglabag ay may katumbas na multang ₱30,000, bukod pa ang revocation ng driver's license.
Nanawagan muli ang MMDA sa publiko na sumunod sa polisiya dahil maaari lamang dumaan sa bus lane ang mga naka-duty na ambulansya, truck ng bumbero at sasakyan ng pamahalaan.
Bukod dito, pinapayagang ding dumaan sa lugar ang convoy ng pangulo, bise presidente, Senate president, House speaker at Chief Justice.