Iginiit ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro na tila isa umanong “political payback” ang naging pagtalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Francisco Tiu Laurel Jr. bilang bagong kalihim ng Department of Agriculture (DA).

Matatandaang inanunsyo ni Marcos nitong Biyernes, Nobyembre 3, ang pagtalaga niyang kay Laurel bilang DA chief.

Kaugnay nito, sinabi ni Castro sa isang pahayag nito ring Biyernes na tila “political payback” umano ang naging pagtalaga kay Laurel dahil sa kontribusyon umano niya nang “hindi bababa sa ₱30 milyon” para sa kampanya ni Marcos sa pagka-pangulo noong nakaraang eleksyon sa pamamagitan ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP).

PBBM, itinalaga si Laurel bilang bagong kalihim ng DA

"Aside from being a Marcos crony what is the qualification of Mr. Laurel to be an agriculture secretary? He [was] the president of Frabelle Fishing Corporation (FFC), a seafood production company that was first established in 1966," giit ni Castro.

"Maliit na parte lamang ng agrikultura ang fisheries at ang kaalaman lamang dito ay di uubra sa pangkabuuan ng usapin sa sakahan," dagdag pa niya.

Binanggit din ng teacher solon ang inihayag umano ng progresibong grupo ng mga mangingisda na “Pamalakaya” na ang FFC umano ang nasa likod ng isang 420-ektaryang reclamation project na nagresulta sa paglilipat ng mahigit 700 pamilyang mangingisda na naninirahan sa dalawang coastal village sa Bacoor City, Cavite.

“No wonder the President earlier announced amending the Fisheries Code in favor of commercial fishing vessels,” ani Castro.

"Kaya maliban sa pagdedelata ng tamban at pagtatambak ng lupa na nagsasanhi ngayon ng nagpapabaha sa NCR at Central Luzon ay ano ba ang kwalipikasyon ni Tiu Laurel sa DA? Hindi dapat ginagawang pambayad utang ni Pres. Marcos Jr. ang mga posisyon sa gobyerno. Mas mainam na maghanap na lang ng ibang mas babagay sa posisyon at tunay na maglilingkod sa mga magsasaka," saad pa niya.

https://balita.net.ph/2023/11/03/kilalanin-francisco-tiu-laurel-jr-ang-bagong-agriculture-chief/