Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga nahalal sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na palagi umano silang maging tapat sa kanilang mga tungkulin.

Sa isang video message nitong Martes, Oktubre 31, binati ni Marcos ang mga nanalo sa BSKE na isinagawa nitong Lunes, Oktubre 30.

“Binabati ko ang lahat ng mga bago at muling nahalal na barangay at SK officials. Napakahalaga po ng inyong papel sa ating lipunan,” pahayag ni Marcos.

“Isang panibagong pagkakakataon na naman po ito upang makapagserbisyo sa mga Pilipino at sa ating bayan nang buong puso at higit pa sa abot ng ating makakaya. Maging tapat po tayo sa lahat ng oras. Lagi po nating unahin ang kapakanan ng sambayanan sapagkat sila po ang dahilan kung bakit nais nating magsilbi sa bayan,” saad pa niya.

Malacañang, inilunsad 'Bagong Pilipinas' campaign

Inihayag din ng Pangulo na mahalaga umano ang pagkakaisa sa kanilang pagsusulong ng “Bagong Pilipinas.”

“Sa ating pagkakaisa at kolektibong pagsisikap, tiyak na maisusulong natin ang ‘Bagong Pilipinas’ kung saan ang bawat barangay ay mapayapa, masaya, at maunlad kung saan ay nananaig ang pagkakaisa, pagkakaunawaan, at kasaganaan, at kung saan ang bawat mamamayan ay taas-noo bilang mga Pilipino.”

Ang “Bagong Pilipinas” na tinutukoy ng pangulo ay ang bagong brand ng “governance” at “leadership” umano ng kaniyang administrasyon na inilunsad noong Hulyo 2023.