“Ipakita natin ang ating pagkakaisa bilang isang bansa sa pamamagitan ng pagboto.”

Ito ang panawagan ni Vice President Sara Duterte sa mga Pilipino sa gitna ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) nitong Lunes, Oktubre 30.

Matapos niyang niyang bumoto sa Davao City, sinabi ni Duterte na simbolo ang araw ng BSKE ng “pag-asa at pagkakaisa” ng bawat Pilipino bilang isang demokratikong bansa.

“Mahalaga ang papel na ginagampanan ng ating mga opisyal sa barangay sapagkat sila ang nasa unang antas ng pamamahala sa gobyerno na maaring magbigay tulong at solusyon sa mga problemang kinakaharap natin sa community level. Ang kanilang integridad at dedikasyon sa paglilingkod ay kailangan nating suriin at tukuyin,” ani Duterte.

Pinaos pa: Bayad ng UniTeam kay Andrew E, sinayang lang daw—Guanzon

“Ang halalan ay isang natatanging proseso na kung saan lahat ng Pilipino, anuman ang estado sa buhay, ay nabibigyan ng pagkakataong makapag ambag para sa Bayan sa pamamagitan ng pagpili ng karapat dapat na mamuno sa ating lipunan,” dagdag pa niya.

Nanawagan din ang bise presidente para sa isa umanong “malinis, tapat, maayos, at mapayapang” BSKE.

“Magsama-sama tayo sa pagtahak ng daan tungo sa mas makabuluhang kinabukasan para sa ating mahal na Pilipinas,” saad ni Duterte.