Pinaalalahanan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang publiko na huwag ipagbili ang kanilang mga boto sa gitna ng isinasagawang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) nitong Lunes, Oktubre 30.
Sa isang panayam matapos niyang bumoto sa Mariano Marcos Elementary School sa Batac, Ilocos Norte, sinabi ni Marcos na kapag ipinagbili ng mga tao ang kanilang boto, mawawala umano ang tsansa nilang magluklok ng mga opisyal na talagang nais nilang ihalal.
“Kaya’t kung idadaan lang sa bayaran ay hindi kayo – mawawala ‘yung boses ninyo,” ani Marcos.
“Hindi n’yo maipili kung sino ba ang dapat talaga na mamuno diyan sa inyong barangay at sino ba ang talagang makakatulong sa inyo na harapin ang mga problema na araw-araw na hinaharap ninyo, na dinadala ninyo sa mga barangay official,” dagdag pa niya.
Siniguro naman ng pangulo na gagawin umano ng pamahalaan ang tungkulin nito upang magpatupad ng mga batas na nagbabawal sa “vote-buying.”
Samantala, hinikayat din ni Marcos ang mga Pilipino na huwag sayangin ang kanilang boto at pumili ng mga kandidatong talagang maglilingkod umano sa kanilang barangay.
“Huwag n’yong itatapon ang inyong karapatan na makapili ng inyong mga barangay official dahil alam n’yo naman po na ang mga barangay official ang mga kaharap ninyo araw-araw,” saad niya.
Idineklara ni Marcos na special non-working day ang Oktubre 30 para sa nasabing pagsasagawa ng BSKE.