Pasay City Police station commander, ilang tauhan sinibak dahil sa raid sa POGO hub
Iniutos ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos na sibakin muna sa puwesto ang police substation commander ng Pasay dahil sa pagsalakay ng mga awtoridad sa katabing gusali kung saan nadiskubre ang Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) hub na umano'y prente ng prostitusyon.
"Imposibleng hindi alam ito ni isang pulis sa substation. Lahat ng member ng substation at pending investigation 'yung substation commander at mga tao roon ay for the meantime ay i-relieve muna pending investigation," ani Abalos sa isang television interview nitong Linggo ng gabi.
Pinaiimbestigahan din ni Abalos ang hepe ng Pasay City Police at mga tauhan ng police substation malapit sa sinalakay na gusali.
Kaugnay nito, pinipigil pa rin ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mahigit sa 300 Chinese at iba pang foreign national.
Nauna nang pinalaya ng PAOCC ang 130 Pinoy.
Anim naman sa mga Chinese ang nakatakdang kasuhan matapos silang ituro bilang maintainer ng POGO at ng umano'y prostitusyon sa lugar.