Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Sabado, Oktubre 28, dahil sa trough ng low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) at northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan ang Quezon at Bicol Region dahil sa amihan.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng mga katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains naman ang posibleng maranasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil din sa amihan.

National

LPA, naging bagyong Kristine na; Signal No. 1, itinaas sa 3 lugar sa PH

Wala naman umanong matinding epekto ang mga pag-ulan sa mga nasabing lugar.

Samantala, posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Visayas at Mindanao dahil sa trough ng LPA o localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Inihayag naman ng PAGASA na sa kasalukuyan ay mababa ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA ngunit posible umano itong pumasok sa loob ng PAR pagsapit ng Lunes, Oktubre 30.