Sa pangunguna ni Mayor Francis Zamora, magsasagawa ng masusing inspeksyon ang mga opisyal ng San Juan City Government sa sementeryo at mga kolumbaryo ng lungsod sa Miyerkules, Oktubre 25, 2023, bilang bahagi umano ng isinasagawa nilang paghahanda sa nalalapit na Undas.
Sa abiso ng lokal na pamahalaan, dakong 9:00 ng umaga nila sisimulan ang inspeksyon sa San Juan City Cemetery, na matatagpuan sa Boni Serrano Avenue sa Brgy. West Crame, gayundin sa mga kolumbaryo ng St. John The Baptist at Santuario del Sto. Cristo.
Ayon kay Zamora, isasagawa nila ang inspeksiyon upang matiyak na handa na ang mga ito sa pagdagsa ng mga San Juaneños na dadalaw at magtitirik ng kandila sa mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
“Our cemeteries will be operating at 100% capacity so we are doing the inspection 3 days before families gather here to finalize everything – to keep peace and order, and ensure the safety of everyone,” ani Zamora.
Sinabi pa ng alkalde na magpapakalat din sila ng mga tauhan ng San Juan PNP, Bureau of Fire Protection (BFP), Public Order and Safety Office at Task Force Disiplina, na siyang magpapanatili umano ng kapayapaan at kaayusan sa mga sementeryo at kolumbaryo.
Mayroon rin aniya silang itatayong booths ng Quick Response Teams ng San Juan CDRRMO at ng City Social Welfare and Development (CSWD) na maga-assist sa mga taong mangangailangan ng agarang pangangalagang medikal, gayundin sa mga batang posibleng mawala sa loob ng sementeryo.
Anang alkalde, naka-full operation ang San Juan cemetery at lahat ng personnel nito mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2, dakong 6:00 ng umaga hanggang 12:00 ng madaling araw.
Kaugnay nito, nagpaalala si Zamora na bawal sa loob ng sementeryo ang pagdadala ng matutulis na bagay, mga armas, ilegal na droga, nakalalasing na inumin, bisikleta at motorsiklo.
Hindi rin pinahihintulutan aniya ang pagpapatugtog ng malakas na musika, pagkakalat, pagsusugal, maging ang pagbebenta ng mga bulaklak, pagkain at inumin, gayundin ng kandila nang walang special mayor’s permit, gayundin ang pag-tap ng elektrisidad.
Umapela rin ang alkalde sa lahat ng mga magtutungo sa sementeryo at mga kolumbaryo na sumunod sa mga panuntunang ipinatutupad doon.
“I am asking everyone to follow all the rules and regulations so we can have a peaceful, orderly and meaningful observance of Undas,” saad ni Zamora.