Pulis, 1 pang AWOL, dinakma sa buy-bust op sa Muntinlupa
Nasa kustodiya na ng pulisya ang isang aktibong pulis at isa pang kasamahan na nag-AWOL (Absent Without Official Leave) sa ikinasang anti-drug operation sa Muntinlupa City kamakailan.
Nakilala ang dalawang suspek na sina Patrolman Rey Palomar Baldonasa, 25, nakatalaga sa Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO), at Carlos Rivera Navarro, 31, dating nakatalaga sa Caloocan City Police Office.
Sa paunang ulat ng Muntinlupa Police Station, ang dalawa ay inaresto ng mga tauhan ng Station DEU sa Purok 10, Amparo St., Brgy. Poblacion, nitong Oktubre 11 ng gabi.
Nasamsam sa dalawa ang dalawang 9mm Canik short firearm at dalawang magazine, dalawang Philippine National Police (PNP) identification (ID) cards at 10 gramo ng shabu na aabot sa P68,000.
Nakatakdang isampa ng pulisya ang kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition).