Halos dalawang linggo matapos manalasa ang rumaragasang baha sa Derna, Libya, umabot na umano sa 3,800 ang mga indibidwal na naitalang nasawi nitong Sabado, Setyembre 23.
Sa ulat ng Agence-France Presse, ibinahagi ng spokesperson para sa relief committee na si Mohamed Eljarh na 3,845 indibidwal na umano ang nakumpirmang patay halos dalawang linggo matapos ang pananalasa ng baha sa Libya.
Ayon pa kay Eljarh, sa kasamaang palad ay inaasahan umanong tataas pa ang bilang ng mga nasawi kada araw.
Hindi pa rin umano naisama sa bilang ay ang mga naiburol na ng mga residente sa mga unang araw mula nang manalanta ang kalamidad noong Setyembre 10 hanggang 11, 2023.
Inaayos na umano ng mga opisyal ang listahan ng mga hindi pa naitalang libing, pati na rin ang pagrehistro ng mga nawawala na sinasabi ng international aid organisations na maaari umanong umabot sa 10,000 o higit pa.
Samantala, mahigit 43,000 indibidwal ang lumikas mula sa naturang lungsod at sa mga kalapit ng eastern Libya, ayon sa International Organization for Migration kamakailan na inulat ng AFP.